--Ads--

Nagbabala ang Land Transportation Office o LTO sa mga motorista hinggil sa posibilidad ng suspensyon o tuluyang pagbawi ng kanilang driver’s license dahil sa naipong demerit points mula sa mga paglabag sa batas-trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dennis Buendia, Officer-in-Charge ng LTO Santiago Extension Office, ipinaliwanag nito na hindi na kinakailangang kumpiskahin ang lisensya sa bawat paglabag dahil ipinatutupad na ang Driver’s License Point System o DLTS.

Sa ilalim ng sistemang ito, awtomatikong nagtatala ng demerit points sa record ng isang driver sa bawat traffic violation.

Ayon pa kay Buendia, bawat paglabag ay may katumbas na parusa at maaaring maipon ang mga ito kung hindi agad maaaksyunan o mababayaran ang multa sa loob ng itinakdang panahon, na karaniwang 15 araw mula sa pagkakahuli.

--Ads--

Dagdag pa niya, kapag naabot ang itinakdang limitasyon ng demerit points, maaaring patawan ng mas mabigat na parusa ang motorista, kabilang ang suspensyon o tuluyang revocation ng kanyang lisensya.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng LTO ang publiko na agad bayaran ang kanilang mga multa at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang mas mabigat na kaparusahan.