Mahigit 100 overseas Filipino workers (OFWs) sa Nueva Vizcaya ang nabigyan ng tulong-pinansyal ngayong araw mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay Alma Chavente, OWWA Region 2 Re-integration Unit Head, bahagi ito ng “Balik-Pinas, Balik Hanapbuhay” program na naglalayong suportahan ang mga distressed at napauwing OFWs upang makapagsimula muli ng kabuhayan sa kani-kanilang komunidad.
Dagdag pa niya, dumaan muna sa Entrepreneurial Development Training ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga benepisyaryo upang mabigyan sila ng kaalaman at gabay sa pagpapatayo ng kanilang napiling negosyo.
Umaabot sa ₱20,000 ang maximum na tulong-pinansyal na ibinibigay sa bawat kwalipikadong OFW, bukod pa sa hiwalay na medical at burial assistance mula sa OWWA.
Tiniyak ng ahensya na nagpapatuloy ang kanilang mga programa para sa mga OFW sa Nueva Vizcaya at sa buong Cagayan Valley upang matulungan ang mga umuuwing manggagawa na makapagsimula muli ng hanapbuhay.
Samantala, isa sa mga benepisyaryo na si Dayline Caballes, 32 anyos mula Villaverde, ay nagpahayag ng pasasalamat sa tulong na natanggap niya, na aniya ay malaking tulong upang maumpisahan ang kanyang napiling negosyo sa kanilang lugar.











