--Ads--

Hinuli ng Iran ang dalawang barko sa Strait of Hormuz nitong Miyerkules, April 22.

Ayon sa ulat, sinabi ng Revolutionary Guards ng Iran na sinamsam ang dalawang sasakyang pandagat dahil sa umano’y paglabag sa maritime regulations at inihatid ang mga ito sa baybayin ng Iran. Ito ang unang ulat ng pagharang ng Iran sa mga barko mula nang sumiklab ang kasalukuyang sigalot.

Samantala, iniulat ng isang British maritime security agency na tatlong barko ang umano’y pinaputukan sa parehong lugar.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni US President Donald Trump sa social media na pumayag ang Estados Unidos sa kahilingan ng Pakistan na pansamantalang itigil ang opensiba laban sa Iran habang sinusubukang pag-usapan ang posibleng solusyon. Gayunman, wala pa umanong malinaw na pag-usad sa peace talks.

--Ads--

Kasabay nito, iginiit din ni Trump na ipagpapatuloy ng US Navy ang blockade sa kalakalan ng Iran sa dagat. Una nang kinumpiska ng US ang isang Iranian cargo vessel sa Indian Ocean nitong Sabado.

Para sa Iran, itinuturing nitong “act of war” ang blockade ng US at sinabing hindi nito bubuksan ang Strait of Hormuz habang nagpapatuloy ang naturang hakbang ng Amerika.