Dalawang cargo ship ang lumubog malapit sa Strait of Hormuz sa magkahiwalay na insidente matapos tamaan ng mga hindi pa natutukoy na projectile, sa gitna ng tumitinding pag-atake sa mga sasakyang pandagat sa rehiyon.
Kabilang sa mga barkong lumubog ang Singapore-registered container ship na GFS Pride, na napinsala at nasunog bago tuluyang lumubog. Ligtas namang nailikas ang lahat ng 21 tripulante nito at walang naiulat na nasaktan, ayon sa Maritime and Port Authority of Singapore.
Samantala, lumubog din ang Antigua and Barbuda-flagged bulk carrier na Cape Dao, ilang linggo matapos tamaan ng projectile noong Setyembre 23. Nasawi sa naunang pag-atake ang isang tripulante habang nailikas naman ang iba pang sakay nito.
Bukod sa mga insidenteng ito, iniulat din ng Singapore na ang container ship na GFS Giselle ay tinamaan ng hindi pa natutukoy na projectile at nagtamo ng pinsala sa gilid ng barko. Gayunman, nakarating ito sa ligtas na lugar gamit ang sarili nitong makina, at ligtas ang lahat ng 22 tripulante.
Ayon sa mga ulat, nagdudulot ng matinding pangamba sa kaligtasan ng mga tripulante at kalakalan sa dagat ang sunod-sunod na pag-atake sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang transportasyon ng langis at liquefied natural gas.










