--Ads--

Naghahanda ang legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maghain ng apela laban sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I na kumpirmahin ang mga kaso laban sa kanya kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.

Sinabi ni Atty. Nicholas Kaufman na hihilingin ng depensa ang pahintulot na mag-apela laban sa tinawag niyang “pinaka-bizarre” at “Kafkaesque” na ruling. Giit niya, tila pinaboran ng Pre-Trial Chamber ang prosekusyon at hindi isinasaalang-alang ang karapatan ni Duterte sa makatarungang paglilitis.

Dagdag pa ni Kaufman, marahil ito ang dahilan kung bakit wala ni isang ebidensya ang binanggit sa footnote ng desisyon.

Samantala, sinabi ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na tila “pre-judged” na ang kaso.

--Ads--

Bilang tugon, nilinaw ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na ang mga kaso laban kay Duterte ay isinampa pa noong 2017, bago pa man ang administrasyong Marcos.

Dagdag pa ni Castro, ang pagpapatupad ng war on drugs ay ginawa nina Duterte at mga kasamahan niya, at hindi kasama si Pangulong Marcos Jr. sa mga pagpaplano ng mga pagpatay.