Tiniyak ng Public Order and Safety Division o POSD na nananatiling ligtas sa anumang banta ng heat-related illnesses ang mga personnel na nakatalaga sa traffic enforcement sa Cauayan City, kahit pa man umaabot na sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Malillin, sinabi niyang wala ni isa sa kanilang personnel ang nakaranas ng heat stroke, heat exhaustion, cramps, o iba pang kaugnay na sakit dulot ng matinding init.
Ayon kay Malilin, epektibo ang ipinatutupad nilang scheme upang maprotektahan ang kanilang mga tauhan.
Hindi na aniya pinapayagan ang mga enforcers na magbabad sa ilalim ng araw nang matagal, kung kaya’t kada tatlong oras ay nagpapalitan ang mga ito upang mabigyan ng pagkakataong makasilong at makapagpahinga.
Sa kabuuang 48 hanggang 50 personnel, tatlo ang karaniwang naka-assign sa bawat area at nagsasagawa ng rotation. Nilinaw naman ng opisyal na kahit nagpapalitan, nananatili pa rin ang presensya ng mga enforcers sa kanilang itinalagang lugar.
Dagdag pa niya, may kanya-kanyang tumbler na ang mga personnel at patuloy ding nagbibigay ng libreng inuming tubig ang ahensya bilang bahagi ng kanilang hakbang laban sa epekto ng matinding init ng panahon.











