Patuloy ang paghahanda ng pamahalaang lungsod ng Cauayan para sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP bilang hakbang upang mapalakas ang disiplina at kaligtasan sa mga kalsada.
Sa isinagawang sesyon nitong Martes, sa FLDY Coliseum Session Hall, idinaos ang pinal na pagdinig para sa pagbusisi at pagsasaayos ng draft ordinance na magbibigay-daan sa pagpapatupad ng NCAP sa lungsod.
Tinalakay sa sesyon ang mga regulasyon at proseso na susundin sa implementasyon ng NCAP oras na maging ganap na batas ang ordinansa.
Pinangunahan nina Committee Chairmen Atty. Paul Vincent Mauricio at SP Member Telesforo Mallillin ang pagtalakay sa mga posibleng hamon sa pagpapatupad ng polisiya.
Kabilang sa mga binigyang-pansin ang seguridad ng datos at privacy ng mga motorista, gayundin ang pagtiyak na magiging makatarungan ang proseso sa pagpapataw ng multa at penalty sa mga mahuhuling lumabag sa batas-trapiko.
Tinalakay rin ang mga probisyon laban sa top-loading at pagsasakay ng mga pasahero sa bubong ng mga tricycle at Public Utility Vehicles o PUV upang maiwasan ang mga aksidente.
Nilinaw naman na hindi kabilang sa naturang pagbabawal ang mga cargo truck na sadyang idinisenyo para sa paghakot ng kargamento.
Sa oras na maipatupad, gagamit ang NCAP ng high-definition cameras at automated system upang makatulong sa pagtukoy ng mga traffic violator at maisulong ang mas maayos at patas na pagpapatupad ng batas-trapiko sa lungsod.










