Hinarang ng military forces ng Israel ang mga barko ng Global Sumud Flotilla na nagdadala ng humanitarian aid patungong Gaza habang nasa karagatan ng Mediterranean, ayon sa mga organizer ng misyon.
Gumamit umano ang Israel ng drones, signal jamming, at mga armed raiding team upang pigilan ang flotilla, na binubuo ng mahigit 50 barko na sakay ang mga activists mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa Global Sumud Flotilla, pinalibutan ng Israeli military vessels ang kanilang mga barko sa international waters at nagkaroon pa umano ng pagbabanta at paggamit ng armas habang pinapapunta ang mga sakay sa harapan ng barko.
Iniulat din na nawalan ng komunikasyon sa ilang sasakyang pandagat at sinasabing ilang barko na ang na-intercept ng Israel.
Itinanggi naman ng Israel ang akusasyon at sinabing napigilan nila ang flotilla bago pa man makalapit sa kanilang teritoryo, habang tinawag na “provocateurs” ang mga aktibista.
Iginiit ng flotilla na ilegal ang ginawang operasyon dahil nangyari ito sa international waters at nanawagan sa mga gobyerno na protektahan ang mga sakay ng barko at ipatupad ang international law.











