Labis na naapektuhan ang bentahan ng gulay at prutas sa pamilihan ng Cauayan City dahil sa matinding init ng panahon. Kapansin-pansin ang mabilis na pagkasira ng mga paninda at ang paghina ng benta.
Ayon kay Ginang Neneng Evangelista, isang tindera sa palengke, malaking hamon sa kanilang hanapbuhay ang nararanasang init dahil mas madaling malanta at mabulok ang mga gulay tulad ng repolyo, pechay, talong, at kamatis. .
Aniya, bandang alas-onse pa lamang ng umaga ay nagsisimula nang malanta ang kanilang mga paninda dahil sa tindi ng sikat ng araw.
Dagdag pa niya, hindi lamang sa pagkasira ng produkto sila nalulugi kundi pati na rin sa kakulangan ng mamimili. Dahil sa init ng panahon, mas kakaunti umano ang lumalabas upang mamili sa palengke, dahilan upang bumagal ang kanilang kita.
Dahil dito, napipilitan silang ibenta sa mas mababang presyo ang kanilang mga paninda upang kahit papaano ay may maibalik na puhunan.
Samantala, ang mga gulay at prutas na lubos nang nalanta at hindi na mabibili ay napipilitan na lamang nilang itapon, na lalo pang nagdudulot ng pagkalugi sa kanilang hanapbuhay.
Sa kabila nito, umaasa ang mga vendor na magiging mas maayos ang lagay ng panahon sa mga susunod na araw upang muling makabawi at maiwasan ang tuluyang pagkalugi.











