Ipinagbawal ng Korean Air ang pagbiyahe ng mga manok panabong sa mga flight nito mula Estados Unidos patungong Pilipinas matapos lumabas ang alegasyon mula sa isang animal welfare group na ginagamit ang airline sa iligal na pagdadala ng mga panabong na ibon patungo sa ilang bansa sa Asya.
Sinabi ng Washington-based na Animal Wellness Action (AWA) na ilang poultry breeders mula Texas at Oklahoma ang umano’y gumagamit ng Korean Air para maipadala ang mga ibon patungong Asya.
Mayroong passenger at cargo flights ang airline mula Dallas Fort Worth International Airport patungong Maynila na dumadaan sa Seoul Incheon International Airport.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng Korean Air na sinuspinde na ang transportasyon ng mga tandang sa lahat ng edad mula Estados Unidos patungong Pilipinas, kasabay ng pagtiyak ng airline na nananatili itong nakatuon sa legal at ligtas na pagbiyahe ng mga buhay na hayop.
Samantala, batay sa hiwalay na ulat, bagaman ilegal ang sabong sa Estados Unidos, pinapayagan pa rin ang pag-aalaga at pagbebenta ng mga manok na ginagamit para rito. Ayon sa ulat, sinasabing ang mga breeders ay nag-aalaga ng mga ibon para sa sabong at naibebenta ang bawat isa ng hanggang $2,000.











