--Ads--

Nilinaw ng Department of Education Region 2 na hindi lahat ng atletang nakakuha ng gintong medalya sa Cagayan Valley Regional Athletics Association Meet (CAVRAA) ay awtomatikong makakasali sa Palarong Pambansa 2026 na gaganapin sa Agusan del Sur.

Ito ay kasunod ng hindi pagkakasama ng Isabela Futboleros, ang football team mula Delfin Albano, Isabela, sa kabila ng kanilang pagiging gold medalist sa CAVRAA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, sinabi niya na kailangan munang maabot ng mga atleta ang Qualifying Time Standards (QTS) upang makapag-qualify sa naturang kompetisyon.

Ayon sa kanya, hindi maaaring magpadala ng mga atletang hindi pa handa sa mas mataas na antas ng laban, dahil kinakailangan ding isaalang-alang ang technical skills at kahandaan ng mga kalahok.

--Ads--

Nilinaw rin niya na bagama’t magaling ang Isabela Futboleros sa regional level, batay sa sertipikasyon ng tournament director ay hindi nila naabot ang itinakdang standards.

Humingi naman siya ng paumanhin sa mga coach at atleta, at iginiit na may mga panuntunang kailangang sundin sa selection process.

Samantala, nasa 80 porsyento na ang kahandaan ng DepEd Region 2 para sa Palarong Pambansa, kung saan nakapag-secure na ng mahigit 600 flight reservations para sa mga atleta at coaches.

Tinatayang aabot sa 450 atleta, 150 coaches, at iba pang delegation officials ang lalahok sa naturang pambansang palaro.