--Ads--

Matapos ang kontrobersyal na paglabas ng arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na posibleng si Senador Bong Go na ang susunod na target ng International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Trillanes na may natanggap siyang impormasyon na may nakaambang warrant laban kay Go. Ito ay kaugnay pa rin ng mga alegasyong crimes against humanity, murder, at attempted murder na nag-ugat sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Trillanes, idinawit ang pangalan ni Go sa ICC dahil sa seryosong papel na ginampanan diumano nito noong kasagsagan ng extrajudicial killings (EJK). Inakusahan ng dating senador si Go na siyang tagapamahagi ng mga “pabuya” o pera kapalit ng bawat napapatay sa operasyon.

Dagdag pa ni Trillanes, nagsilbi rin umanong lider ng isang “Special Operations Group” sa loob ng tinaguriang “National Death Squad” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang senador.

--Ads--

Bukod kina Dela Rosa at Go, binanggit din ni Trillanes na malaki ang posibilidad na maisyuhan din ng warrant ng ICC si dating Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde.

Bagama’t kumpirmado umano ang impormasyon sa pagkakasangkot ni Go, inamin ni Trillanes na maaaring umabot pa ng ilang buwan bago pormal na mailabas ang arrest warrant para sa senador.