--Ads--

Naniniwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na may malaking epekto sa lokal na sektor ng bigas ang patuloy na pag-angkat ng Pilipinas mula sa Vietnam, ngunit naninindigan itong kinakailangan ito upang matugunan ang suplay at maiwasan ang pagtaas ng presyo sa merkado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Rosendo So, Chairman ng SINAG, sinabi nito na nananatiling pangunahing pinanggagalingan ng imported rice ang Vietnam na umaabot umano sa 75% hanggang 80% ng kabuuang inaangkat ng Pilipinas.

Ayon kay Engr. So, ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam ay nagbibigay ng katiyakan sa suplay ng bigas sa bansa, ngunit ang presyo nito ay nakadepende pa rin sa umiiral na international market price.

Gayunman, aminado ang grupo na maaaring maapektuhan ang lokal na industriya ng bigas kung patuloy na lalaki ang volume ng importasyon, lalo na kung hindi maaayos ang suporta sa mga lokal na magsasaka.

--Ads--

Iginiit din ni Engr. So na mahalagang maibalik sa 30% hanggang 40% ang taripa sa imported rice upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa matinding kompetisyon.

Paliwanag niya, nang ibaba umano ang taripa noong mga nakaraang taon, doon nagsimulang lumaki ang pagpasok ng imported rice sa bansa.

Nanawagan din ang SINAG ng agarang pagbibigay ng suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura, kabilang ang subsidiya sa abono, patubig, at farm mechanization upang mapalakas ang lokal na produksyon.

Samantala, naniniwala naman ang SINAG na kung maayos na mapapatupad ang mga polisiya sa importasyon at suporta sa agrikultura, maiiwasan ang pangmatagalang pagdepende ng bansa sa imported rice.