Patuloy na iginigiit ng mga magsasaka ang pagpapataw ng karagdagang 30% taripa sa imported na bigas upang maprotektahan ang lokal na produksyon ng palay at mapigilan ang lumalaking pagkalugi ng sektor bunsod ng dumaraming rice imports sa bansa.
Nakabinbin pa rin kasi ang hiling ng Federation of Free Farmers (FFF) sa Tariff Commission na magpatupad ng 30% safeguard duty bukod pa sa kasalukuyang 15% taripa sa imported rice.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Leonardo Montemayor, Chairman of the Board ng Federation of Free Farmers (FFF), sinabi niya na halos tatlong beses nang tumaas ang pagpasok ng imported na bigas mula nang maipatupad ang Rice Tariffication Law noong 2019.
Batay sa kanilang datos, umabot sa karaniwang 3.446 milyon na metriko tonelada kada taon ang rice imports, at inaasahang mas mataas pa ito ngayong 2026 matapos pumalo sa 2.9 milyon na metriko tonelada ang naangkat na bigas sa unang anim na buwan pa lamang ng taon.
Ayon kay Montemayor, dahil sa patuloy na pagdami ng imported na bigas, bumabagsak ang farmgate price ng palay na direktang nakaaapekto sa kita ng mga magsasaka. Aniya, tinatayang umaabot sa halos P50 bilyon kada taon ang nawawalang kita ng sektor dahil sa mababang presyo ng kanilang ani.
Iginiit din niya na layunin ng hinihiling na safeguard duty na mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga lokal na magsasaka laban sa labis na pag-angkat ng bigas habang patuloy na pinapalakas ang produksyon ng bansa.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng grupo ang magiging aksyon ng Tariff Commission sa kanilang petisyon na naglalayong mabalanse ang interes ng mga mamimili at ng sektor ng agrikultura.











