--Ads--

Tutol ang Farmers Group sa nakatakdang bumili ang Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (Prism) ng 100,000 metriko toneladang bigas mula sa United States simula 2027 sa ilalim ng kasunduang nilagdaan kasama ang USA Rice Federation upang palawakin muli ang kalakalan ng bigas ng dalawang bansa.

Sa ilalim ng kasunduan, tataas sa 200,000 metriko tonelada ang taunang pagbili simula 2028. Maaaring ihatid ang bigas sa mga sako o maramihang kargamento.

Nilagdaan ang kasunduan noong Oktubre 7 sa International World Rice Conference sa Maynila. Layunin nitong mapadali ang kalakalan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga manlalaro sa industriya at mga ahensiya ng pamahalaan.

Ayon sa mga kinatawan ng dalawang grupo, magbibigay ang kasunduan ng karagdagang mapagkukunan ng suplay para sa mga mamimili sa Pilipinas at magbubukas naman ng merkado para sa mga magsasaka at rice miller sa Amerika.

--Ads--

Napapanahon ang kasunduan habang naghahanda ang bansa sa posibleng matinding El Niño na maaaring magdulot ng kakulangan sa ulan, matagal na tagtuyot, pagbaba ng suplay ng tubig at matinding init.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Farmer Chairman of The Board Leonardo Montemayor sa halip na mag import bakit hindi nalamang pagtuunan ng pansin ang pagpapalago sa local rice industry at itigil na ang pagiging dependent sa mga exporter o imported na bigas.

Sa kanilang pananaw ang karagdagang importasyon ay makakdagdag lamang sa kompetisyon sa mga local farmers at hindi rin makakaapekto sa pagpapababa ng presyo ng bigas sa merkado habang patuloy na pinabababa ang presyo ng palay.

Para sa grupo ang hakbang ng PRISM na pag-import ng bigas ay hindi isang paraan ng paghahanda para sa epekto ng El Niño kundi isang paraan ng pagnenegosyo na unti-unting pumapatay sa lokal na industriya.

Samantala, binigyang-diin din ng resource person ang naging epekto ng patuloy na pag-aangkat ng bigas sa presyo ng lokal na palay mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law noong 2019.

Aniya, noong nakaraang taon ay bumagsak sa walong piso kada kilo ang presyo ng palay sa ilang bahagi ng bansa, dahilan upang malugi ang maraming magsasaka.

Dahil dito, nangangamba siyang lalo pang mahirapan ang mga lokal na magpapalay sa pagdami ng mga bansang pinagmumulan ng imported rice.

Kaugnay nito, hinimok niya ang pamahalaan na suriing mabuti ang mga patakaran sa pag-aangkat ng bigas, partikular ang epekto ng Executive Order No. 62 na nilagdaan noong Hunyo 2024 at nagbaba sa taripa sa imported rice.
Giit niya, mahalagang matiyak na ang pagpapalawak ng kalakalan ay hindi magiging kapalit ng proteksyon sa lokal na industriya ng bigas at kabuhayan ng mga magsasaka.