Nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ang nasa 5,802 rice farmers sa Lungsod ng Cauayan sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolks Program (PAFFP), ngayong araw, Mayo 14.
Isinagawa ang payout sa FLDy Coliseum at sa Isabela State University (ISU) Cauayan kung saan personal na tinanggap ng mga benepisyaryo ang ayudang nagkakahalaga ng ₱2,325 bawat isa.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang mga rice farmers na may dalawang ektarya pababa na sakahan at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Noli Mapado, isang magsasaka mula sa Barangay Gappal, sinabi nitong malaking tulong ang ayudang kanilang natanggap lalo na ngayong naghahanda silang muli para sa panibagong taniman matapos maapektuhan ng matinding init ng panahon ang kanilang mga pananim.
Ayon kay Mapado, gagamitin nila ang natanggap na ayuda sa pagbili ng abono at iba pang pangunahing pangangailangan sa pagsasaka upang maipagpatuloy ang kanilang produksyon.
Samantala, nilinaw ng mga awtoridad na hindi pinahihintulutan ang mga aktibong benepisyaryo na mag-authorize ng ibang tao upang tumanggap ng cash assistance para sa kanila upang matiyak na direktang mapupunta ang ayuda sa tamang benepisyaryo at maiwasan ang anumang uri ng maling paggamit o misrepresentation.
Gayunman, sa mga espesyal na pagkakataon gaya ng pagkamatay ng benepisyaryo habang isinasagawa ang payout, maaari umanong i-claim ng susunod na kamag-anak ang nasabing ayuda.
Kinakailangan lamang na magpakita ng death certificate ng nasawing benepisyaryo, patunay ng relasyon dito, at proof of RSBSA registration ng kamag-anak na magpapatuloy ng agricultural o fishery activities.
Maaari ring i-claim ng kaanak ang ayuda kung ang benepisyaryo ay bedridden o hindi na kayang personal na pumunta sa payout area dahil sa karamdaman.
Sa ganitong sitwasyon, kinakailangang magsumite ng medical documents bilang patunay ng karamdaman at kawalan ng kakayahang makalakad ng benepisyaryo, kasama ang malinaw na larawan nito, proof of relationship ng kukuha ng ayuda, at patunay ng RSBSA registration ng kamag-anak na magpapatuloy sa pagsasaka o pangingisda.
Nilinaw din ng pamahalaan na hindi saklaw ng naturang patakaran ang mga agricultural ancestral lands na nakapangalan pa sa mga ninuno, at maaari pa ring makatanggap ng ayuda ang mga kwalipikadong magsasakang nagsasaka sa mga lupang ito basta’t pasok sa iba pang eligibility requirements ng programa.Ayon sa pamahalaan, layunin ng PAFFP na makatulong sa mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng iba’t ibang suliranin sa sektor ng agrikultura kabilang na ang epekto ng matinding init ng panahon at iba pang kalamidad.










