Iginiit ng ilang mga namamasada sa Lungsod ng Cauayan na dapat manatiling 25 pesos ang minimum na pamasahe kahit pa bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakalipas na linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edilberto Menor, sinabi niya na hindi dapat gawing batayan ang pansamantalang pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel upang muling ibaba ang minimum na pamasahe dahil hindi naman ito permanente.
Paliwanag niya, pabago-bago ang presyo ng mga produktong petrolyo at may mga pagkakataong agad din itong tumataas matapos ang ilang linggong rollback.
Dagdag pa niya, kung muling ibababa ang pamasahe, lalo lamang mahihirapan ang mga driver na kumita para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Aniya, hindi naman permanente ang pagbaba ng presyo ng petrolyo. May mga pagkakataong bumababa ito ngunit makalipas lamang ang ilang panahon ay muli na namang tumataas. Kung ibababa ang pamasahe, mababawasan ang kanilang kita.
Bukod sa gastusin sa krudo, binanggit din niya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng iba pang pangunahing pangangailangan, kabilang ang pagkain, maintenance ng sasakyan, at iba pang gastusin ng mga driver.
Sa kabila nito, umaasa ang mga tsuper na mauunawaan ng publiko ang kanilang panawagan na panatilihin ang kasalukuyang minimum na pamasahe upang matiyak ang sapat na kita para sa kanilang kabuhayan.











