--Ads--

Tiniyak ng Business Permits and Licensing Office na maayos na naipatutupad ng mga gasoline station sa Santiago City ang mga price rollback sa kabila ng sunod-sunod na bawas-presyo sa produktong petrolyo.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Artemio Villaluz Jr.,officer in charge ng Business Permits and Licensing office, sinabi nito na tuloy-tuloy ang kanilang monitoring katuwang ang Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang tamang pagsunod ng mga gasolinahan sa mga ipinatutupad na price adjustments.

‎Aniya, araw-araw silang nagsasagawa ng pag-iikot at pagbabantay batay sa guidelines ng Department of Energy (DOE), na regular na naglalabas ng weekly price advisory tuwing Martes.

‎Dagdag pa niya, wala pa silang namomonitor na gasolinahan na hindi agad nagpapatupad ng price rollback sa lungsod, at nananatiling maayos ang implementasyon ng mga presyo ng petrolyo.

‎Binigyang-diin din ng opisyal na mahigpit na ipatutupad ang mga panuntunan ng Department of Energy at papatawan ng kaukulang aksyon ang sinumang gasolinahang lalabag sa mga ito.