Kinilala ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., ang malaking kontribusyon ng 5th Infantry Division sa kampanya laban sa insurhensiya at sa pagtugon sa mga kalamidad sa kanilang nasasakupan.
Pinuri rin ng kalihim ang pamumuno ni Major General Guilliver Señires dahil sa matagumpay na mga operasyon ng dibisyon na nagresulta sa deklarasyon ng ilang lugar bilang insurgency-free.
Ayon pa kay Secretary Teodoro, patuloy ang suporta ng pamahalaan sa mga programa at operasyon ng mga sundalo, kabilang ang mas pinaigting na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang makapaghatid ng trabaho, serbisyo, at oportunidad sa mga komunidad.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang modernisasyon ng kagamitan ang dapat tutukan, kundi pati ang pagpapalakas ng imprastraktura at suporta sa hanay ng militar upang mas mapabuti ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa seguridad at kalamidad.
Giit pa ng kalihim, mahalaga ang tuloy-tuloy na pagtutulungan ng militar, pamahalaan, at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang muling pag-usbong ng insurhensiya sa rehiyon.











