Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamabilis na paglago sa paggamit ng mobile finance applications sa Southeast Asia noong 2025, batay sa ulat ng US-based market intelligence firm na Sensor Tower.
Ayon sa ulat, tumaas ng 10 porsyento year-on-year ang downloads ng financial services apps sa bansa, na pangatlo sa pinakamabilis na paglago sa rehiyon.
Nanguna sa growth ang Thailand na may 21 porsyento, sinundan ng Vietnam na may 14 porsyento, habang parehong nakapagtala ng 8 porsyento ang Indonesia at Malaysia.
Sa ulat na “State of Mobile Southeast Asia 2026,” sinabi ng Sensor Tower na sumasalamin ang pagtaas ng downloads sa patuloy na paglipat ng mga consumer patungo sa mobile-first financial access sa rehiyon. Karamihan sa aktibidad ay mula sa consumer finance, credit, at investing apps.Sa buong Southeast Asia, umabot sa 48 porsyento ng total financial app downloads noong 2025 ang consumer finance apps. Tumaas din ng 33 porsyento ang investing at financial management apps, habang 15 porsyento naman ang paglago ng credit at lending apps.











