Ipatatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan upang linawin ang pahayag nitong madaling maipanalo ng China ang anumang labanan sakaling magpasya itong gumamit ng puwersa.
Sa ambush interview sa Pangulo sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Coast Guard, sinabi niyang tila may tono ng pagbabanta ang pahayag ng Chinese envoy.
Ayon kay Pangulong Marcos, kailangan nilang mag-usap ng ambassador upang matukoy ang tunay na kahulugan at layunin ng naturang pahayag.
Hindi rin ikinatuwa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga pahayag ni Jing Quan na itinuturing na tila may bahid ng pagbabanta laban sa Pilipinas.
Nag-ugat ang palitan ng mga pahayag sa nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea.











