Kritikal ang kondisyon ng isang lalaki matapos masangkot sa isang aksidente sa kalsada sa kahabaan ng highway malapit sa isang bus terminal sa San Fermin, Cauayan City bandang alas-tres y medya kaninang madaling araw.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na posibleng nagkaroon ng karerahan ang driver ng isang motorsiklo at ilang kasama subalit aksidente umano nitong nasagi ang isang tricycle na tinangka nitong I-overtake.
Dahil sa umano’y bilis ng takbo at lakas ng impact, bumaliktad ang tricycle habang ang rider ng motorsiklo ay tumilapon at umabot pa ng tinatayang 50 metro sa kalsada.
Nagtamo ng matinding sugat sa ulo at tenga ang rider na isinugod sa ospital at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na posibleng nakainom ng alak ang naturang driver nang mangyari ang insidente. Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa aksidente.











