--Ads--

Nagdeploy ang City Health Office (CHO) ng medical team sa Fourlanes Plaza kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga residente at bisita sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Mariza, Shielalyn, Anylyn Jane, at Randolph ng City Health Office ng Santiago City, ipinaliwanag nila na layunin ng deployment na matiyak ang agarang pagresponde sa mga insidenteng may kaugnayan sa kalusugan, partikular ang mga kaso ng dehydration, heat exhaustion, at iba pang karamdamang dulot ng mataas na temperatura.

‎Ibinahagi rin ng mga health personnel na nakaposisyon ang kanilang hanay upang magsagawa ng agarang paunang lunas at pagbabantay sa kalagayan ng publiko, lalo na sa mga kabilang sa vulnerable sector gaya ng mga senior citizen, kabataan, buntis, at mga indibidwal na may dati nang karamdaman.

‎Kasabay nito, naglatag din ang City Health Office ng mahahalagang paalala bilang pag-iingat laban sa posibleng epekto ng matinding init ng panahon.

Kabilang dito ang regular na pag-inom ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration, paglimita sa matagal na exposure sa sikat ng araw lalo na sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, at pagsusuot ng magagaan at preskong kasuotan.

‎Hinimok din ng CHO ang publiko na gumamit ng payong, sumbrero, o iba pang proteksiyong panangga laban sa matinding sikat ng araw habang nasa labas ng tahanan.

‎Dagdag pa ng mga kinapanayam na health personnel, mahalagang agarang magpakonsulta o humingi ng medikal na atensyon sakaling makaranas ng sintomas gaya ng pagkahilo, pagsusuka, matinding panghihina, o hirap sa paghinga upang maiwasan ang paglala ng kondisyon.

‎Tiniyak naman ng City Health Office na nananatili silang nakaantabay para sa anumang health-related emergency upang mapanatili ang kaligtasan at kapakanan ng publiko sa kasalukuyang nararanasang mataas na heat index sa lungsod.