Patuloy na tinutugunan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng mga nakatatanda, kabilang ang kakulangan sa tulong-pinansyal, pasilidad para sa pangangalaga at oportunidad sa trabaho.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dulceneah Lyra F. Dela Cruz, Regional Director ng NCSC, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng universal social pension na magsisilbing dagdag na tulong-pinansyal sa mga senior citizen bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa lipunan.
Ayon sa opisyal, makatutulong ito upang matustusan ng mga nakatatanda ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, partikular ang pagbili ng mga gamot para sa diabetes, high blood pressure at iba pang karamdaman.
Isinusulong din ng NCSC ang pagtatayo ng mga community center na maaaring pagdausan ng medical check-up, health training, zumba at iba pang aktibidad.
Kabilang dito ang plano ng lokal na pamahalaan ng Ilagan City na magtayo ng senior citizens center na may recreational area malapit sa ospital.
Isa rin sa mga pangunahing concern ng ahensya ang pangangalaga sa mga senior citizen na namumuhay nang mag-isa, bedridden at inabandona ng kanilang pamilya.
Kaugnay nito, binanggit ni Regional Director Dela Cruz ang planong pagtatayo ng pasilidad para sa geriatric care sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, gayundin ang pagkakaroon ng nakalaang lugar para sa mga nakatatanda sa isang ospital sa Ilagan City.
Samantala, ibinahagi rin niya ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Aurora, Isabela na gawing senior citizens center ang isang kasalukuyang pasilidad.
Nagsagawa na umano ng benchmarking ang LGU sa Pasig City, Tanay at Makati upang pag-aralan ang mga programang maaari nilang iangkop sa kanilang bayan.
Bukod dito, isinusulong din ng NCSC ang pagbibigay ng trabaho sa mga senior citizen sa pamamagitan ng mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at paghikayat sa mga pribadong establisimyento, kabilang ang mga hotel, na bigyan sila ng oportunidad na makapagtrabaho upang magkaroon ng sariling kita.
Binigyang-diin din pa ng Regional Director ang kahalagahan ng pagsunod ng mga establisimyento sa Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, partikular sa pagbibigay ng diskuwento.
Aniya, maaari ring gumamit ng iba pang balidong ID na may petsa ng kapanganakan bilang patunay ng edad kung nakalimutang dalhin ang OSCA ID.
Nilinaw din niya na sa pagbili ng mga gamot, hindi na kinakailangang magpakita ng booklet ng senior citizen dahil sapat na ang reseta upang makuha ang kaukulang diskuwento.











