Nilinaw ng pamahalaang lungsod ng Cauayan na hindi nila pinagbabawalan ang mga negosyanteng nagtitinda sa bypass road sa barangay Nungnungan ngunit kinakailangan lamang na mailagay ito sa tamang lugar at naaayon sa umiiral na batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., sinabi nito na nakikipag-ugnayan na sila sa Business Permits and Licensing Office (BPLO) hinggil sa usapin ng mga nagtitinda sa diversion road.
Aniya, bahagi ng kanilang tinitingnan ang zoning at iba pang regulasyon upang maayos na maplantsa ang operasyon ng mga negosyo sa naturang lugar.
Paliwanag ng alkalde, bagamat hindi pa gaanong matao o abala ang bypass road ay itinuturing pa rin itong highway kaya may kaakibat pa ring panganib at mga alituntuning kailangang sundin.
Aniya, hindi nila layuning pigilan ang mga residente na maghanapbuhay lalo na’t nauunawaan nila ang hirap ng buhay sa kasalukuyan, subalit kinakailangan pa rin umanong sumunod sa mga batas at ordinansa.
Dagdag pa ni Mayor Dy, kabilang sa kanilang ikinokonsidera ang posibleng maging obserbasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang national agencies lalo na sa usapin ng road clearing operations. Sinabi rin nito na nakatakda silang makipagpulong sa mga barangay officials ng nasabing barangay at mga concerned vendors sa susunod na linggo upang mapag-usapan ang tamang solusyon hinggil sa usapin.











