Mariing pinabulaanan ng pamilya ng lalaking nasawi matapos umanong bugbugin sa labas ng isang bar sa Cauayan City ang mga alegasyong ibinabato laban sa biktima. Kasabay nito, patuloy nilang isinusulong ang paghahanap ng hustisya para sa kanyang pagkamatay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa asawa ng biktima, nagtungo sila sa naturang bar upang humingi ng CCTV footage mula sa loob ng establisyemento upang mapatunayan ang tunay na nangyari bago naganap ang insidente. Gayunman, iginiit umano ng pamunuan ng bar na hindi gumagana o sira ang kanilang mga CCTV camera kaya wala silang maibigay na video footage mula sa loob ng establisyemento.
Dagdag pa ng asawa, batay sa nakuha nilang CCTV footage sa labas ng bar, makikita umanong bigla na lamang sinuntok ang kanyang asawa matapos itong tumayo, dahilan upang ito ay matumba. Ayon pa sa kanya, nang bumagsak ang biktima ay paulit-ulit pa umano itong sinipa at tinadyakan ng mga suspek habang wala nang kakayahang makalaban.
Bukod dito, sinabi rin niyang hinabol pa umano ng mga suspek ang isa sa mga kapatid ng biktima na kasama rin sa insidente. Dahil dito, nagtamo rin ito ng mga sugat at kasalukuyang naka-confine sa ospital upang magpagaling.
Batay sa ulat, nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa ulo kabilang ang pagkadurog ng bungo at iba pang grabeng tama sa katawan na kalaunan ay naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Iginiit naman ng pamilya na walang katotohanan ang mga kumakalat na alegasyon na umano’y namboboso o nanilip ang biktima bago nangyari ang pananakit. Anila, ginagamit lamang umano ang naturang alegasyon upang bigyang-katwiran ang ginawang pananakit sa kanilang kaanak.
Dahil dito, nananawagan ang pamilya sa mga awtoridad na mapanagot hindi lamang ang mga direktang sangkot sa pambubugbog kundi maging ang posibleng mga nasa likod ng insidente. Hiniling din nila na imbestigahan ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng bar dahil umano sa kakulangan ng agarang aksyon upang maagapan ang kaguluhan.
Samantala, nanawagan ang asawa ng biktima sa mga responsable na lumantad at sumuko upang tuluyang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang asawa.
Sa ngayon, isa pa lamang ang naarestong suspek habang nagpapatuloy pa ang operasyon ng pulisya upang matunton at maaresto ang dalawa pang hinihinalang sangkot sa insidente.










