Nakatakdang idaos ang pitong banal na misa sa sa Our Lady of the Pillar Parish Cauayan City ngayong Lunes, Oktubre 12, bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng patron ng parokya.
Mula umaga hanggang gabi, magkakasunod na isasagawa ang mga misa na nakalaan para sa iba’t ibang grupo at sektor ng komunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Vener Ceperez, parish priest ng Our Lady of the Pilar Parish Cauayan, ipinaliwanag nito ang iskedyul ng mga misa na magsisimula sa alas-sais ng umaga at magpapatuloy hanggang sa alas-sais trenta ng gabi.
Isinagawa ang unang misa kaninang alas-sais ng umaga para sa mga katutubong mananampalataya, na sinundan naman ng misa sa alas-siyete trenta para sa Our Lady of the Pillar Parish College at Pilar Parish College sa San Manuel, Isabela.
Isa sa mga pangunahing bahagi ng pagdiriwang ang Fiesta Mass na gaganapin sa alas-nuwebe ng umaga, sa pangungunahan ni Most Rev. Sean Mejia, Obispo ng Tabuk.
Susundan ito ng misa para sa Basic Ecclesial Communities o BECs, gayundin para sa mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan o Local Government Units sa ganapnna alas 10:30 ng umaga.
Magpapatuloy naman ang pagdiriwang sa hapon, sa pamamagitan ng mga banal na misang nakatakdang ganapin sa alas-kuwatro, alas-singko kinse at alas-sais trenta ng gabi.
Samantala, bahagi rin ng paghahanda sa kapistahan ang pagtatapos ng nobenaryo, na nagsisilbing espirituwal na paghahanda ng mga mananampalataya bago ang mismong araw ng kapistahan.
Inaanyayahan ang mga deboto at iba pang mananampalataya na makiisa sa pagdiriwang at alamin ang opisyal na iskedyul ng parokya upang matukoy ang oras ng misa na kanilang dadaluhan.











