Itinaas ng World Health Organization (WHO) sa “very high” ang panganib ng paglala ng outbreak ng Bundibugyo strain ng Ebola sa Democratic Republic of Congo (DRC).
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, nananatiling mataas ang posibilidad na mabilis pang kumalat ang virus sa loob ng bansa, habang “high” naman ang risk sa rehiyon at “low” sa pandaigdigang antas.
Ang Bundibugyo strain ay isang uri ng Ebola na wala pang aprubadong bakuna o tiyak na lunas sa kasalukuyan.
Sa pinakahuling tala, nasa 82 na ang kumpirmadong kaso sa Congo, kabilang ang pitong kumpirmadong nasawi. Mayroon ding mahigit 170 pinaghihinalaang mga nasawi at halos 750 suspected cases na patuloy na iniimbestigahan.
Sa Uganda naman, dalawang kaso na ang nakumpirma mula sa mga biyaherong galing Congo, kung saan isa rito ang nasawi.
Ayon sa WHO, epektibo umano sa Uganda ang mahigpit na contact tracing at pagkansela ng malalaking pagtitipon upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Kinumpirma rin ng WHO na isang American national na nagtatrabaho sa Congo ang nahawa ng virus at inilipat sa Germany para magpagamot. May isa pang Amerikanong posibleng exposed sa virus na inilipat naman sa Czech Republic.
Samantala, sinabi ng WHO na pinag-aaralan na nila ang paggamit ng experimental antiviral drug na Obeldesivir bilang posibleng panlaban sa Ebola, bagama’t kailangan pa itong gamitin sa ilalim ng mahigpit na protocol.
Ayon sa mga health expert, posibleng dalawang buwan nang kumakalat ang outbreak bago ito opisyal na idineklara, kaya patuloy pa ring tumataas ang bilang ng kaso habang hinahabol ng mga awtoridad ang pagpigil sa pagkalat ng virus.










