Inaasahan ng Department of Energy (DOE) ang posibleng pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene na nasa pagitan ng ₱1.00 hanggang ₱1.50 sa susunod na linggo. Batay ito sa ikaapat na araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore.
Mas mababa ito kumpara sa naunang tantiya noong unang dalawang araw ng trading.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, bumaba ang presyo ng diesel mula $163 kada bariles tungo sa $156 sa ikaapat na araw ng trading. Dagdag pa niya, maaaring bumaba pa ng karagdagang ₱0.50 ang inaasahang pagtaas kung magpapatuloy ang ganitong galaw ng presyo sa huling araw ng trading.
Samantala, iniulat din ni Abad na umabot na sa 970 gasolinahan ang sumali sa P10 diesel subsidy program ng gobyerno. Layunin nitong makatulong na maibsan ang epekto ng pagtatapos ng subsidized service contracting program para sa mga pampublikong transportasyon.
Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga kalahok na gasolinahan at posibleng lumampas sa 1,000 sa susunod na linggo habang isinasagawa ng ahensya ang pagbisita at pagsasanay sa mga ito.
Plano ng DOE na gawing standard na sistema ang platform na ito para sa mga susunod na subsidy program, kapalit ng tradisyunal na cash distribution system











