--Ads--

Binalaan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang mga may-ari ng negosyo sa lungsod, partikular ang mga bahay-inuman at restobars, na mahigpit na sumunod sa mga itinakdang panuntunan sa kanilang operasyon upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa kanilang mga customer.

Kaugnay ito sa mga establisimyentong may hindi gumaganang CCTV cameras kahit nakasaad sa kanilang permit to operate na maayos at functional ang mga ito. Ayon sa POSD, mahalaga ang CCTV hindi lamang bilang requirement sa permit kundi bilang pangunahing kagamitan sa monitoring at imbestigasyon sakaling magkaroon ng kaguluhan o anumang insidente sa loob ng establisimyento.

Matatandaang naging sentro ng kontrobersya ang isang bar sa Cauayan City matapos maganap ang insidente ng pambubugbog na humantong sa pagkasawi ng isang customer. Ayon sa may-ari ng bar, sira at hindi gumagana ang mga CCTV camera sa loob ng establisimyento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niyang ginagamit na lamang umano ng ilang may-ari ng establisimyento ang dahilan na hindi gumagana ang CCTV upang hindi makita ang mga posibleng paglabag sa kanilang operasyon.

--Ads--

Aniya, marami ring restobars ang hindi sumusunod sa itinakdang oras ng pagsasara, bukod pa sa iba pang paglabag na may kaugnayan sa peace and order regulations.

Giit pa niya, may nakatalagang lugar para sa mga restobar at bahay-inuman sa Brgy. San Fermin, at dapat umanong mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong uri ng negosyo sa mga commercial area upang maiwasan ang mga insidente at reklamo mula sa publiko.

Hindi rin umano mawari ng POSD Chief kung paano nabigyan ng permit ang ilang establisimyento upang mag-operate sa kabila ng mga nakikitang paglabag.

Ayon sa kanya, kinakailangang mabigyan ito ng agarang aksyon, lalo na’t may isang buhay na ang nawala dahil sa insidente.

Dagdag pa ni Mallillin, dapat tiyakin ng mga may-ari ng ganitong establisimyento na laging gumagana ang kanilang CCTV cameras dahil hindi lamang ito para sa pagsunod sa regulasyon kundi para rin sa proteksyon ng mga customer, empleyado, at mismong may-ari ng negosyo sakaling magkaroon ng insidente o reklamo.