Naniniwala si House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na magiging malaking pagsubok sa demokratikong institusyon at constitutional accountability mechanism ng bansa ang impeachment trial ni VP Sara Duterte sa gitna ng umiigting na tensyong pampulitika.
Si Adiong, na napiling tagapagsalita ng House prosecution panel, ang mangunguna sa paglalahad ng mga alegasyon at ebidensya laban sa Bise Presidente.
Sa isang media forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi ni Adiong na magsisilbing sukatan ang impeachment proceedings kung nananatiling matatag at gumagana ang demokrasya sa bansa.
Ayon pa sa mambabatas, mahalagang maipakita sa paglilitis na kayang manaig ng constitutional accountability mechanism laban sa political pressure, intimidation, at partisan attacks na nararanasan sa kasalukuyan.
Iginiit din ni Adiong na masusubok sa impeachment trial kung gaano katatag ang Konstitusyon sa harap ng iba’t ibang uri ng pressure at scare tactics mula sa ilang sektor ng lipunan.
Umaasa naman ang kongresista na mabibigyan ng sapat na panahon ang prosekusyon at depensa upang maiharap ang kanilang mga ebidensya at testigo bago magpasya ang mga senator-judge.
Aniya, mahalagang maipaliwanag nang maayos sa publiko ang lahat ng Articles of Impeachment upang maunawaan ng taumbayan ang nilalaman ng mga alegasyon laban kay Duterte.
Dagdag pa ni Adiong, maging ang mga tagasuporta ng Bise Presidente ay nais ding makita ang mga ebidensya sa impeachment trial, na aniya’y patunay na malaki ang interes ng publiko sa usapin.
In-impeach ng Kamara de Representantes si Duterte noong Mayo 11 habang nag-convene naman ang Senado bilang impeachment court makalipas ang isang linggo.











