Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga ulat na nagmamay-ari siya ng fast-food franchise at iginiit na hindi katumbas ng pagmamay-ari ng isang negosyo ang pagiging investor sa kumpanyang nagpapatakbo nito.
Sa pahayag nitong Sabado, sinabi ni Duterte na dati siyang namuhunan sa isang kumpanyang bahagi ng isang lehitimong business organization, ngunit wala siyang pag-aari o pinatatakbong anumang franchise.
Kinuwestiyon din ng bise presidente ang ulat ng isang online news platform, na aniya ay nakapagdudulot ng hindi makatarungang pinsala sa reputasyon at operasyon ng mga lehitimong negosyo.
Matatandaang iniugnay sa kanya ang limang Jollibee restaurant sa isang financial report na inilahad ni analyst Alexander Cabrera sa impeachment trial. Ayon sa ulat, ang GenCorp, isang kumpanyang nakalista sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Duterte, ang umano’y nagmamay-ari ng mga naturang restaurant.











