--Ads--

Patuloy ang pag-angat ni Alex Eala sa WTA rankings matapos nitong maangkin ang No. 37 spot sa pinakabagong talaan ng Women’s Tennis Association.

Mas mataas ito ng isang puwesto kumpara sa kanyang dating No. 38 ranking noong nakaraang linggo.

Nakatakdang makaharap ni Eala si Iva Jovic, ang No. 17 seed mula Amerika, sa first round ng French Open sa Martes.

Una sanang itinakda ang kanilang laban nitong Lunes ngunit muling binago ng mga organizers ang iskedyul ng torneo.

--Ads--

Ayon kay Eala, mas kumpiyansa at mas handa na siya ngayon para sa French Open kumpara noong nakaraang taon.

Sinabi nito na malaki ang naging improvement niya sa clay court kahit aminado siyang marami pa siyang kailangang matutunan upang lalo pang mapalakas ang kanyang laro.

Dagdag pa ni Eala, excited siyang muling makapaglaro sa French Open at makasabay ang ilan sa pinakamahuhusay na tennis players sa buong mundo.

Iginiit din ni Eala na ayaw niyang lagyan ng pressure ang sarili.

Sa halip, nais lamang niyang i-enjoy ang bawat pagkakataon sa French Open upang mas maging magaan ang kanyang kampanya sa torneo.

Nagdiwang si Eala ng kanyang ika-21 kaarawan noong Mayo 23 kasama ang kanyang pamilya at ilang kaibigan sa WTA tour.