Umapela ang ilang barangay sa Santiago City sa publiko, lalo na sa mga bypasser, motorista at mga naglalakad, na itigil na ang pagtatapon ng basura kung saan-saan matapos lumala ang problema sa nagkalat na basura sa ilang lansangan sa siyudad.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, kapansin-pansin na ang pagdami ng mga plastik, supot at iba pang uri ng basura na basta na lamang itinatapon sa gilid ng kalsada, mga pampublikong lugar at maging sa mga kanal.
Isa na rito si Punong Barangay Eduardo Dacanay ng Brgy. Baluarte, Santiago City na nagpahayag ng pagkabahala sa patuloy na pagdami ng mga basurang iniiwan ng ilang dumaraan sa kanilang lugar.
Dahil dito, nagmistulang tambakan ng basura ang ilang bahagi ng mga pangunahing lansangan na nagdudulot hindi lamang ng maruming kapaligiran kundi maging ng mabahong amoy at pagbabara sa drainage system na maaaring magresulta sa pagbaha tuwing malakas ang ulan.
Ikinabahala rin ng ilang residente ang kawalan ng disiplina ng ilang dumaraan na kahit may mga nakatalagang basurahan ay patuloy pa ring nagtatapon ng basura sa kalsada.
Dahil sa lumalalang sitwasyon, hinikayat ng mga barangay ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura at makiisa sa pagpapanatili ng kalinisan sa komunidad.
Nagbabala rin ang mga opisyal na maaari umanong patawan ng multa at iba pang kaukulang parusa ang mga mahuhuling lumalabag sa umiiral na anti-littering ordinance sa lungsod.
Samantala, inaasahan namang paiigtingin pa ng mga barangay ang kanilang kampanya at pagbabantay laban sa littering upang mabawasan ang patuloy na pagdami ng basura sa mga lansangan ng Santiago City.











