--Ads--

Nagbabala ang United States sa posibleng mabilis na paglala ng labanan sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran-backed Houthis matapos ang panibagong pag-atake ng grupo sa Saudi territory.

Naiulat ang mga pagsabog sa Riyadh nitong Sabado, Setyembre 19, matapos umanong maglunsad ang Houthis ng missile at drone attacks sa ilang bahagi ng Saudi Arabia. Kinumpirma ng Saudi-led coalition na na-intercept at nawasak ang isang ballistic missile na patungo sa kabisera.

Ayon sa US State Department, may posibilidad na mabilis na lumala ang military conflict sa Middle East kaya hinimok ang mga mamamayan nitong nasa labas ng rehiyon na pag-isipang mabuti ang pagbiyahe patungo rito.

Sinabi rin ng Saudi-led coalition na tinangkang targetin ng Houthis ang ilang lugar kabilang ang Yanbu, isang mahalagang oil export hub sa Red Sea, gayundin ang Bisha, Taif at Farasan.

--Ads--

Samantala, biglang bumalik sa White House si US President Donald Trump nitong Sabado matapos paikliin ang kanyang weekend stay sa Camp David.

Walang agad na ibinigay na dahilan ang White House sa maagang pagbabalik ni Trump, na nangyari kasabay ng panibagong paglala ng tensiyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Houthis.

Patuloy na kinokontrol ng Houthis ang malaking bahagi ng Yemen at nakikipaglaban sa mga puwersang suportado ng Saudi-led coalition.