Hindi bababa sa 16 estudyante ang nasawi habang 79 ang nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa dormitory ng Utumishi Girls School sa Gilgil, Nakuru County sa gitnang Kenya, ayon sa mga awtoridad.
Ayon sa Education Minister na si Julius Ogamba, naganap ang insidente bandang madaling araw at mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng dormitory ng paaralan.
Wala pa ring malinaw na dahilan ng sunog habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at emergency responders sa lugar, na nasa humigit-kumulang 120 kilometro mula sa Nairobi.
Ilan sa mga estudyante ang iniulat na nagtamo ng pinsala at agad na dinala sa mga ospital, habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa paligid ng paaralan.
Ayon sa mga awtoridad, kilala ang Kenya sa mga naitatalang insidente ng school fires sa mga nakalipas na taon, na kadalasang nauugnay sa iba’t ibang isyu sa loob ng mga paaralan.











