--Ads--

Nasawi ang isang 68-anyos na lola matapos barilin ng nakaalitan sa barangay Buenavista, Santa Maria, Isabela ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jose Bulan Torrijos, hepe ng Santa Maria Police Station, sinabi nito na batay sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, nitong hapon ng Biyernes ay nadatnan ng suspek na si Evangelino, 51-anyos ang biktima na si Letty kasama ang dalawa pang indibidwal na nasa lupa nito at kumukuha ng bunga ng kaniyang mangga.

Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at ang biktima na nauwi sa pamamaril. Nagtamo ng tatlong tama ng baril sa dibdib ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong pagkasawi.

Napag-alaman na mayroon nang matagal na alitan ang suspek at biktima dahil sa boundary ng lupa kaya nauwi rin dito ang diskusyon ng kanilang pagtatalo dahil umano sa alegasyon na tinatanggal ng biktima ang boundary mark o mohon sa pagitan ng kanilang lupa.

--Ads--

Agad namang tumakas ang suspek subalit natunton din ng pulisya ang kinaroroonan nito sa tulong ng mga concerned citizen.

Hindi naman na nadamay ang dalawa pang kasamahan ng biktima matapos silang tumakbo. Gayunman, hindi agad nila naiulat ang pangyayari sa mga kinauukulan dahil kinakailangan pa nilang maglakad ng may kalayuan para makarating sa bahay ng Punong barangay.

Ayon kay PMaj. Torrijos, iniimbestigahan din ang Beretta 9mm na baril na ginamit ng suspek matapos mapag-alaman na ito ay property ng Philippine National Police batay na rin sa serial number nito.

Itinuturing naman na isolated case ang insidente.