--Ads--

Nagpaalala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na gamitin nang wasto at responsable ang mga benepisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan upang makatulong sa kanilang pangmatagalang kabuhayan at kinabukasan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, sinabi nito na hindi dapat ituring na utang na loob ang mga programang inihahatid ng gobyerno para sa mga OFW dahil ito ay pagkilala at pagpupugay sa kanilang sakripisyo at malaking ambag sa bansa.

Ayon kay Secretary Cacdac, kabilang sa mga benepisyong maaaring mapakinabangan ng mga OFW ang livelihood assistance, reintegration programs at iba pang tulong na layuning matiyak ang maayos na pagbabalik at panibagong pagsisimula ng mga manggagawang Pilipino matapos ang kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa.

Binigyang-diin niya na dapat gamitin ang mga natatanggap na benepisyo sa mga produktibong gawain tulad ng pagnenegosyo, pagpapalawak ng kabuhayan at pagpapaunlad ng kaalaman sa financial management upang magkaroon ng pangmatagalang mapagkukunan ng kita.

--Ads--

Payo rin ng kalihim sa mga OFW na naghahanap ng trabaho matapos makauwi sa bansa na gamitin ang mga ayuda para sa kanilang job search at iba pang mahahalagang gastusin habang naghahanap ng panibagong oportunidad.

Dagdag pa niya, mahalaga ring makapagtabi ng sapat na ipon para sa sarili at sa pamilya upang maging handa sa anumang pangangailangan sa hinaharap.

Sinabi ni Cacdac na patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga OFW bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at mahalagang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa.