--Ads--

Dismayado ang isang constitutional law expert at political analyst sa patuloy na sigalot sa loob ng Senado na umano’y nagiging dahilan ng pagkaantala ng mahahalagang trabaho at serbisyo para sa publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutional Law Expert at Political Analyst, sinabi nito na maraming sektor ang apektado sa hindi maayos na pagtakbo ng Senado kabilang ang mga atletang naghihintay ng kanilang naturalization, mga opisyal na umaasa sa confirmation ng Commission on Appointments, at iba pang mamamayang nangangailangan ng agarang aksyon ng kapulungan.

Ayon kay Atty. Yusingco, tila naging personal na ang alitan sa pagitan ng majority at minority bloc dahilan upang mabalam ang ilang mahahalagang gawain ng Senado.

Aniya, bagama’t maaaring magpatuloy ang ilang committee hearings, inaasahang magiging mabagal ang pag-usad ng mga panukalang batas at iba pang legislative measures.

Samantala, iginiit ni Atty. Yusingco na wala siyang nakikitang dahilan upang hindi matuloy ang impeachment trial dahil nakatakda na ang iskedyul nito.

Aniya, kahit magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado ay magpapatuloy pa rin ang proseso maliban na lamang kung magkaroon ng force majeure o hindi inaasahang pangyayari.

Kaugnay naman ng pagpapatalsik kay Congressman Kiko Barzaga, sinabi ni Atty. Yusingco na sinunod ng Kamara ang itinakdang due process bago ito napagbotohan.

Ayon sa kanya, ilang ulit umanong nabigyan ng babala ang mambabatas ngunit nagpatuloy pa rin sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media kaya nauwi ang usapin sa kanyang expulsion alinsunod sa mga umiiral na patakaran ng Kamara.