Paiigtingin ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Santiago City ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko kasabay ng pagbubukas ng klase upang matiyak ang maayos na daloy ng sasakyan at mabawasan ang insidente ng mga aksidente sa kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit, sinabi nito na inaasahan nilang tataas pa ang bilang ng mga sasakyang bumibiyahe sa lungsod dahil sa pagdagsa ng mga estudyante, manggagawa at iba pang indibidwal na may transaksyon sa Santiago City.
Ayon kay PMaj. Aggabao, hindi lamang ang TEU ang nakatutok sa inaasahang pagsisikip ng trapiko kundi maging ang buong hanay ng Santiago City Police Office sa ilalim ng direktiba ng kanilang city director upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng traffic management measures.
Sinabi ng opisyal na kabilang sa kanilang pangunahing prayoridad ang pagpapababa ng bilang ng mga vehicular accident at pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng lungsod.
Kasabay nito, paiigtingin din aniya nila ang kampanya laban sa mga menor de edad na nagmamaneho ng sasakyan bilang bahagi ng kanilang road safety measures. Aniya, agad na sasampahan ng kaukulang aksyon ang mga mahuhuling lumalabag at maaaring ma-impound ang sasakyan.
Dagdag pa ng Hepe, makikipag-ugnayan sila sa mga barangay upang matukoy at masawata ang mga menor de edad na nagmamaneho.
Tanging ang mga magulang o legal guardian lamang aniya ang maaaring tumubos ng impounded na sasakyan.
Binigyang-diin niya na layunin ng naturang hakbang na maprotektahan ang kaligtasan ng mga motorista at maiwasan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga hindi lisensyado at hindi awtorisadong driver.











