Tila nagulat ang isang mahistrado ng Sandiganbayan sa dami ng iniulat na nararamdamang sakit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, na kabilang sa mga akusado sa kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa binasang dokumento ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg ng Second Division, kabilang sa mga sakit ni Bonoan ang chronic kidney disease (CKD), prostate cancer, diabetes, hypertension, acute coronary syndrome, at spine condition.
Ang dating DPWH secretary ay kasalukuyang naka-confine ngayon sa The Medical City at kinumpirma naman ito ng pulisya.
Dahil dito, sinabi ng korte na hihingi ito ng updated medical report mula sa Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang tunay na kalagayan ng dating opisyal.Balitang Pilipinas
Magugunitang nahaharp si Bonoan sa P573-million plunder and graft cases kaugnay sa maanumalyang flood control projects, kung saan kabilang din sa mga akusado si Senador Jinggoy Estrada at iba pang dating opisyal ng DPWH.
Ayon sa Office of the Ombudsman, may kaugnayan ang kaso sa umano’y kickback scheme sa mga flood control projects sa Bulacan.
Batay sa naturang reklamo, umano’y tumulong si Bonoan sa pagproseso ng mga “commitment fee” para kay Estrada, na sinasabing humiling ng P855 million na pondo para sa mga proyekto.
Tinukoy din ng prosekusyon na maaaring umabot sa 25% o P213.7 million ang natanggap umano ng senador mula sa kabuuang halaga ng proyekto.
Ayon pa sa mga piskal ng Ombudsman, si Bonoan rin ay umano’y may papel sa pagpili ng mga kontratistang nakakuha ng naturang mga proyekto.
Mariin namang itinanggi nina Bonoan at Estrada ang lahat ng paratang laban sa kanila.











