Naaresto na ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang pulis na nakatalaga sa Quirino Police Provincial Office, sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa bayan ng Mulanay, Quezon Province noong Oktubre 12, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Marlou,” 28-anyos, na naaresto dakong alas-2:00 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong homicide.
Batay sa ulat ng pulisya, si Marlou ay itinuturong isa sa dalawang suspek sa pananaksak kay PSMS Zaldy C. Dela Peña noong Hulyo 31, 2026, sa isang sari-sari store sa Purok 4, Barangay San Marcos, Cabarroguis, Quirino.
Inilabas ang warrant of arrest noong Oktubre 12, 2026 ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 31 sa Cabarroguis, Quirino.
Pinangunahan ng 1st Quirino Provincial Mobile Force Company ang operasyon sa pakikipagtulungan ng iba pang yunit ng Philippine National Police mula sa Lambak ng Cagayan at CALABARZON.
Bago ang pagkakaaresto, nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa mga opisyal ng barangay at isang kamag-anak ng suspek upang matukoy ang kaniyang kinaroroonan. Ayon sa impormasyong nakalap ng pulisya, hindi na umano nakita sa lugar ang dalawang suspek matapos ang insidente.
Si Marlou ay isang utility worker na tubong Mabini, Quezon Province at dati ring nanirahan sa Cabarroguis, Quirino.
Samantala, nagpapatuloy ang manhunt operations ng mga awtoridad upang matunton at maaresto ang ikalawang suspek na may kaugnayan sa insidente.
Pinuri naman ni Police Regional Office 2 Director PBGen Mariano C. Rodriguez ang mga pulis na lumahok sa operasyon, na aniya ay nagpapakita ng mahusay na koordinasyon, dedikasyon at propesyonalismo ng kapulisan.
Binigyang-diin ni Rodriguez na walang sinuman ang makatatakas sa kamay ng hustisya at magsilbi sanang babala ang pagkakaaresto sa mga lumalabag sa batas.











