Iginiit ng lokal na pamahalaan ng Reina Mercedes, Isabela na hindi ghost projects ang mga proyektong ipinakita ni Vice Mayor Harold Respicio matapos kuwestiyunin ng bise alkalde ang umano’y mga proyektong hindi makita sa kanilang bayan.
Una nang naglabas ng video si Respicio na nagpapakita ng mga proyektong kaniyang kinukuwestiyon, bilang tugon sa hamon ni PCO Undersecretary Claire Castro.
Bilang tugon, naglabas naman ng video ang Municipal Engineering Office sa pangunguna ni Architect Marcelino Argonza upang ipakita ang mga proyektong pinaglaanan ng ₱30 milyong pondo mula sa Tobacco Excise Tax.
Ayon kay Argonza, kabilang sa mga ito ang konstruksyon ng box culvert o tulay, pavement o kalsada, gayundin ang mga streetlight at solar-powered streetlight.
Ipinaliwanag niya na kabilang sa mga dahilan ng paglalaan ng malaking pondo ang lalim ng pinaglagyan ng box culvert na mahigit tatlong metro, na kinailangan ng malaking volume ng embankment o lupang panambak. Isinaalang-alang din umano ang haba ng pavement na nag-uugnay sa munisipyo at national highway.
Ipinakita rin ni Argonza ang isa pang proyekto na binubuo ng 200 metrong retaining wall at kalsadang nag-uugnay sa national highway, transport terminal at palengke.
Aniya, itinayo ang retaining wall upang magsilbing suporta sa gusali ng palengke at maiwasan ang pagguho nito.
Sa kabila nito, iginiit ni Argonza na hindi maituturing na ghost projects ang mga ipinakita nilang proyekto dahil nakumpleto at naipatayo ang mga ito at napapakinabangan na ng mga residente ng Reina Mercedes, Isabela.
Hindi naman natalakay ng lokal na pamahalaan ang proyektong Lagoon at ang tulay na may sira at isinarado na sa mga sasakyan, na isa rin sa mga kinukuwestiyon ni Respicio bilang ghost at substandard project.











