--Ads--

Naglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (RTC) ng Malolos, Bulacan laban sa contractor na si Pacifico Discaya, kanyang asawa na si Cezarah Discaya, at siyam pang indibidwal kaugnay ng kasong malversation through falsification of public documents na may kinalaman sa umano’y kickback scheme sa mga flood control projects.

Ayon sa ulat, inilabas ng korte ang warrant ng pag-aresto isang araw matapos magsampa ng kaso ang Office of the Ombudsman laban sa mga akusado para sa kasong graft at malversation. Kabilang sa mga kinasuhan, bukod sa mag-asawang Discaya, sina Merg Jaron Laus, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Ernesto Galang, Norberto Santos, Lorenzo Pagtalunan, Juanito Coronel Mendoza, Floralyn Simbulan, at Ma. Roma Angeline Rimando.

Ayon sa korte, inirekomenda ang walang piyansa para sa 11 akusado.

Ang kaso ay may kaugnayan sa proyekto ng gobyerno na rehabilitation ng river construction structure sa Bulusan, Calumpit, Bulacan sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Contract ID No. 22CC0058.

--Ads--

Sa pahayag ng Office of the Ombudsman, lumitaw umano ang malinaw na paglabag sa auditing at accounting rules ng pamahalaan. Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, may mga bayad na inilabas kahit walang aprubadong Disbursement Voucher.

Dagdag pa ni Clavano, may mga kabuuang bayad para sa dredging at embankment items na ginawa nang walang sapat na dokumento o batayan ng pagkumpleto ng proyekto, na nagresulta umano sa hindi makatarungang benepisyo para sa St. Timothy Construction Corporation na tinatayang aabot sa ₱53.9 milyon at nagdulot ng pinsalang pinansyal sa gobyerno.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso habang inaasahan ang pag-usad ng legal na proseso laban sa mga akusado.