--Ads--

Pormal nang inilunsad ang Unified 911 Satellite Command Center sa Region 2, isang hakbang na layong higit pang mapabilis at mapahusay ang pagtugon sa mga emergency sa buong rehiyon.

Ayon kay FInsp. Lavender Baldovino, isa sa pinakamalaking benepisyo ng Unified 911 ay ang pagiging mas madali nitong tandaan ng publiko dahil iisang numero lamang—911—ang kailangang tawagan sa oras ng sakuna o emergency.

Dagdag pa niya, mas magiging epektibo rin ang komunikasyon sa pagitan ng mga tumatawag at mga emergency responders dahil maaaring gamitin ng mga residente ang iba’t ibang lengguwaheng ginagamit sa Region 2 tulad ng Ilocano, Tagalog, Ibanag, Gaddang at iba pang lokal na diyalekto.

Ipinaliwanag din ni Baldovino na sa ilalim ng Unified 911 system, mas napapadali ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng pulisya, bumbero, emergency medical services at iba pang responders dahil nakasentro sa iisang command center ang pagtanggap at pagproseso ng mga tawag para sa agarang aksyon.

--Ads--

Bukod dito, inaasahan ding mababawasan ang pagkalito ng publiko sa pagpili ng tamang numerong tatawagan sa panahon ng emergency dahil iisang hotline na lamang ang gagamitin para sa iba’t ibang uri ng insidente.

Samantala, hindi lamang Region 2 ang nakinabang sa paglulunsad ng Unified 911. Kasabay rin itong inilunsad sa Region 1, Region 6, at Region 8 bilang bahagi ng pagpapalawak ng pambansang emergency response system ng pamahalaan.

Tiniyak naman ng Pamahalaang Panlalawigan ang buong suporta nito sa implementasyon ng programa upang mas mapalakas ang kahandaan at kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna at iba pang emergency situations.

Inaasahan naman ng mga kinauukulan na sa mga susunod na pagkakataon ay mailulunsad na rin ang Unified 911 sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao upang mas marami pang Pilipino ang magkaroon ng mabilis at maaasahang access sa emergency response services ng pamahalaan.