Tiniyak ng Public Order and Safety Division (POSD) ang buong-lakas na pagpapakalat ng kanilang mga tauhan upang magbantay sa seguridad at kaayusan ngayong opisyal nang nagbalik-eskwela ang mga mag-aaral para sa School Year 2026–2027.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, kinumpirma nito na “full force” ang kanilang hanay sa pagbabantay sa iba’t ibang paaralan sa buong lungsod. Binigyang-diin niya na tututukan nang husto ang mga eskwelahan sa poblacion area o sentro ng kalakalan, kung saan dagsa at pinakamarami ang bilang ng mga estudyanteng nagpapatala at pumapasok.
Upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, makikipagtulungan ang POSD sa Philippine National Police (PNP) at iba pang mga force multipliers o mga volunteer groups sa lungsod.
Ayon pa kay Mallillin, isa sa mga pangunahing hamon na kanilang tutugunan ay ang inaasahang matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko, partikular na sa mga rush hour o oras ng pasukan at uwian ng mga bata. Dahil dito, magpapatupad sila ng mas striktong law enforcement at traffic management sa paligid at mga mismong harapan ng mga paaralan upang maiwasan ang disgrasya at pagsisikip ng mga sasakyan.
Kasabay nito, nanawagan din ang pamunuan ng POSD sa mga magulang na may mga anak na gumagamit ng motorsiklo sa pagpasok sa eskwela. Paalala niya, maging disiplinado at responsable sa daan sa pamamagitan ng pagsusuot ng tamang helmet, pag-iwas sa mabilis na pagpapatakbo, at pagsunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang mga nakamamatay na aksidente sa kalsada. Huwag na ring hayaan ang pagmamaneho ng mga menor de edad na walang kaukulang lisensya.
Kasabay nito, nakiusap at nanawagan din ang pamunuan ng POSD sa mga opisyal ng barangay, lalo na sa mga barangay tanod. Hinimok niya ang mga ito na maging alerto at personal na tutukan ang mga paaralang sakop ng kanilang hurisdiksyon upang matiyak na magiging mapayapa ang pagbubukas ng klase at walang magaganap na anumang hindi kanais-nais na insidente o krimen laban sa mga kabataan.
Samantala, naging epektibo umano ang pagpapatupad ng one-way traffic scheme sa Lungsod ng Cauayan upang maibsan ang mabigat na dalot ng trapiko sa unang araw ng pasukan, ayon sa Public Order and Safety Division (POSD).
Sinabi ni Mallillin niya na bagama’t maraming mga street sa Lungsod ang isinailalim sa one-way, hindi naman ito naging abala nang husto sa mga motorista dahil nakatulong ito upang maiwasan ang traffic congestion.
Aniya, dakong alas-6 trenta ng umaga ay bahagyang naranasan ang masikip na daloy ng trapiko dahil na rin sa sabay-sabay na pagasok ng libu-libong estudyante sa Lungsod.
Gayunman, moving pa rin naman umano ang daloy ng trapiko at nagtagal lamang ng ilang minuto dahil na rin sa tulong ng mga POSD personnel at Barangay Officials na umaasiste sa lugar.
Kabilang sa mga one-traffic sa ngayon ay ang Roxas St. papasok ng Poblacion, Cortez st. na palabas ng National Highway, at Mabini st hanggang Pamittan St.
Ayon kay POSD Chief Mallillin, kung magtutuloy-tuloy ang ganda ng daloy ng trapiko dahil sa one-way traffic scheme ay plano nila itong idulog sa konseho upang gawing permanente.
Samantala, katuwang din ng POSD ang Highway Patrol Group (HPG) sa pag-monitor sa mga motorista pangunahin na sa mga estudyante o menor de edad na nagmamaneho nang walang kaukulang lisensya o dokumento.











