Bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng 16 na buwan ang dollar reserves o Gross International Reserves (GIR) ng bansa na nasa $103.97 bilyon na lang nitong katapusan ng Mayo 2026. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mas mababa ito ng 0.3% kumpara noong Abril.
Ang pagbaba ay bunsod ng pagbabayad ng gobyerno sa mga utang panlabas, pagbaba ng presyo ng ginto sa world market, at mga forex operation ng BSP. Dahil dito, ang gold holdings ng bansa ay nabawasan ng 1.5% at nasa $19.48 bilyon na lang.
Sa kabila ng pagbaba, tiniyak ng BSP na sapat at ligtas pa rin ang pondo ng Pilipinas. Kaya pa nitong tustusan ang 6.9 buwang importasyon ng mga kalakal at serbisyo, na doble sa pandaigdigang safety benchmark na tatlong buwan lamang. Target ng BSP na mapalago muli ang reserves sa $111 bilyon bago matapos ang taon.











