Nagbalik-tanaw ang isang Human Rights Lawyer sa mga kaganapan noong isinailalim sa Martial Law ang Pilipinas, kasabay ng ika-54 anibersaryo nito ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, inilarawan nito bilang “dark years” ang Martial Law sa bansa dahil marami umanong karapatang pantao ang nabalewala.
Amidano si Cayosa na mayroong ding mabubuting nangyari noon subalit mas nangibabaw umano ang pang-aabuso na nag-udyok para sa People Power Revolution noong 1986.
Sa ilalim ng administrasyon ng diktaduryang Marcos, nagkaroon umano ng kabi-kabilaang pagkilos, at lumaki rin ang pwersa ng New People’s Army at ng ibang grupo na nagrebelde sa Gobyerno.
Ayon kay Cayosa, maging noong panahong nagtapos na ang Martial Law sa bansa ay isa siya sa mga patuloy na nanindigan para sa kapamilya ng ibang mga pinaghinalaang kalaban ng pamahalaan na sinasabit sa mga criminal cases.
Naiintindihan umano nito na trabaho ng pamahalaan na tugisin ang mga armadong rebelde subalit hindi na umano tama na idamay ang pamilya ng mga ito na walang kasalanan.
Umaasa siya na magsilbing aral ang nangyari sa nakaraan upang hindi na ito maulit muli sa hinaharap, subalit ikinalulungkot nito na maging sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga lider ng bansa ang nang-aabuso at nangmamalabis sa kanilang kapangyarihan.








