--Ads--

Pumalo na sa 31 katao habang mahigit isang dosena naman ang nawawala matapos tumama ang malakas na magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao nitong Lunes ng umaga.

Mahigit 130 katao rin ang nasugatan ayon sa mga awtoridad, habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa mga pinakaapektadong lugar.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, alas-7:37 ng umaga nang tumama ang malakas na lindol sa bayan ng Maasim, Sarangani. Nanggaling umano ito sa paggalaw ng Cotabato Trench.

Samantala, siyam na katao naman ang naiulat na nasawi sa General Santos City.

--Ads--

Patuloy ang paghuhukay ng mga rescuer sa isang gumuhong grocery store sa General Santos City kung saan pinaniniwalaang natabunan ang ilang empleyado.

Ayon sa mga opisyal, malaking hamon sa kasalukuyan ang pagkawala ng kuryente at komunikasyon sa ilang lugar kaya nahihirapan silang makakuha ng kumpletong impormasyon tungkol sa lawak ng pinsala.

Sa mga video na kumalat sa social media, makikita ang pagguho ng isang shopping center na may kasamang fast-food restaurant. Gumuho rin ang isang gusali ng paaralan, bagamat wala namang tao sa loob nang mangyari ito.

Sa isa pang video, makikitang niyayakap ng mga guro ang mga batang estudyante habang malakas na umuuga ang lupa dulot ng lindol.

Mahigit dalawang libong residente na ang inilikas dahil sa banta ng tsunami matapos ang lindol.

Bagama’t kalaunan ay inalis na ang tsunami warnings sa Pilipinas at iba pang kalapit-bansa, nananatiling maingat ang mga awtoridad at patuloy na sinusuri kung ligtas nang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga lumikas na residente.

Dahil sa insidente, sinuspinde rin ang klase sa buong Mindanao na sana unang araw ng pasukan.

Pansamantala ring isinara ang General Santos Airport matapos makitaan ng pinsala sa ilang bahagi ng terminal building.