--Ads--

Bumaba ang employment rate sa bansa noong Abril 2026 habang tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho at naghahanap ng mas magandang oportunidad sa kabuhayan, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Martes.

Naitala sa 95.3 porsiyento ang employment rate noong Abril 2026, mas mababa kaysa sa 95.9 porsiyento noong kaparehong buwan noong nakaraang taon. Bagama’t umabot sa 48.89 milyon ang bilang ng mga may trabaho, mas marami rin ang naitalang walang hanapbuhay.

Ayon sa PSA, umabot sa 2.41 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Abril 2026, katumbas ng unemployment rate na 4.7 porsiyento. Mas mataas ito kumpara sa 2.06 milyon o 4.1 porsiyentong unemployment rate na naitala noong Abril 2025.

Ibig sabihin, sa bawat 1,000 kataong kabilang sa labor force, 47 ang walang trabaho o pinagkakakitaan sa nasabing buwan.

--Ads--

Samantala, tumaas din ang bilang ng mga underemployed o mga manggagawang naghahanap pa ng dagdag na oras sa trabaho, karagdagang hanapbuhay, o mas mahabang oras ng paggawa. Umabot ito sa 7.41 milyon noong Abril 2026, na katumbas ng underemployment rate na 15.2 porsiyento.

Mas mataas ito kumpara sa 7.09 milyong underemployed na Pilipino noong Abril 2025, kung kailan naitala ang underemployment rate na 14.6 porsiyento.

Ipinapakita ng ulat na bagama’t marami pa ring Pilipino ang may trabaho, dumarami rin ang mga naghahanap ng mas matatag at mas magandang oportunidad upang mapabuti ang kanilang kabuhayan.